Mga Tuntunin ng Programa para sa Customer ng OpenAI Marketplace
Pinahihintulutan ng Programa ng OpenAI Marketplace (ang “Programa ng Marketplace”) ang mga customer ng OpenAI (ang bawat isa ay “Customer”) na bumili ng mga inaprubahang produkto o serbisyo ng third-party (ang bawat isa ay “Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo”) sa OpenAI Marketplace (ang “Marketplace”) mula sa mga kalahok na third-party provider (“Mga Kasosyo”). Maaaring ibilang ang mga pagbiling ginawa sa pamamagitan ng Programa ng Marketplace sa Halaga ng Pananagutan ng Customer na tinukoy sa naaangkop na OpenAI Order Form, alinsunod sa mga tuntuning ito. Bibilhin ng Customer ang bawat Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo sa ilalim ng hiwalay na kasunduan sa naaangkop na Kasosyo. Karagdagan ang mga tuntuning ito sa kasunduang namamahala sa naaangkop na OpenAI Order Form ng Customer, kasama ng OpenAI Order Form na iyon (ang “Kasunduan ng OpenAI”).
Pagiging Kwalipikado at Mga Minimum na Halaga ng Pananagutan. Upang makalahok sa Programa ng Marketplace, dapat may order form ang Customer nang direkta sa OpenAI (isang “OpenAI Order Form”) na tumutukoy sa halaga ng pananagutan na hindi bababa sa US$1,000,000, maliban kung pumayag ang OpenAI sa ibang nakasulat na unawaan, kabilang ang email. Ang ibig sabihin ng “Halaga ng Pananagutan” ay ang halagang tinukoy sa ilalim ng “Halaga ng Pananagutan” sa naaangkop na OpenAI Order Form. Maaari lamang ilapat ang Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo sa mga nakatalagang serbisyo ng OpenAI API at ChatGPT/Codex na tahasang tinukoy bilang kwalipikado sa naaangkop na OpenAI Order Form o sa isang susog dito.
Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo. Ang ibig sabihin ng “Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo” ay mga halagang aktuwal na binabayaran ng Customer para sa Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo, matapos ibawas ang mga diskuwento, rebate, credit, refund, at reversal, at alinsunod sa mga tuntunin sa pagtatakda ng panahon sa ibaba. Hindi kwalipikado ang mga buwis, singil sa bangko at financing, multa, at mga singil para sa data, serbisyong propesyonal, suporta, o iba pang hindi inaprubahang produkto o serbisyo. Hindi kwalipikado ang mga pagbiling ginawa bago ang petsa ng paglahok ng Customer, maliban kung inaprubahan ng OpenAI, alinsunod sa anumang kondisyong tinukoy sa pag-apruba na iyon. Hindi kwalipikado ang mga pagbiling ginawa sa ilalim ng umiiral na kasunduan sa isang Kasosyo bago maging kwalipikado ang Customer sa Marketplace, maliban kung inaprubahan ng OpenAI, alinsunod sa anumang kondisyong tinukoy sa pag-apruba na iyon.
Pagbili ng Produkto ng Kasosyo. Bibigyan ng OpenAI ang Customer ng nakasulat na kumpirmasyon ng pagiging kwalipikado nito na lumahok sa Programa ng Marketplace, na tutukoy sa petsa ng paglahok ng Customer at anumang naaangkop na kondisyon sa pagbili. Ibibigay ng Customer ang kumpirmasyong iyon sa naaangkop na Kasosyo kapag nagsasaayos ng pagbili sa ilalim ng Programa ng Marketplace. Ang bawat pagbili ay mananatiling napapailalim sa mga tuntuning ito at sa anumang naaangkop na kondisyong tinukoy sa kumpirmasyon. Direktang makikipagkontrata ang Kasosyo at Customer sa isa’t isa para sa Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo, at ang Kasosyo ang mag-iisyu ng invoice at direktang maniningil ng bayad mula sa Customer. Responsibilidad ng Customer ang mga naaangkop na buwis sa Mga Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo, na sisingilin ng Kasosyo o ng OpenAI, kung alin ang naaangkop, kapag iniaatas ng batas. Maaaring hilingin ng Customer na ilapat ang Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo sa Halaga ng Pananagutan nito sa pamamagitan ng itinalagang proseso ng kumpirmasyon ng OpenAI. Hindi maglalapat ang OpenAI ng mga halaga para sa isang transaksyon maliban kung hayagang pinahintulutan ng Customer ang paglalapat na iyon.
Panahon ng Pananagutan at Mga Pagbiling Saklaw ang Maraming Taon. Ang ibig sabihin ng “Panahon ng Pananagutan” ay ang bawat taunang panahon na tinukoy sa naaangkop na OpenAI Order Form para tuparin ng Customer ang Halaga ng Pananagutan nito. May hiwalay na Panahon ng Pananagutan para sa bawat taunang pagtatakda sa OpenAI Order Form na sumasaklaw sa maraming taon. Ilalapat ng OpenAI ang mga singil para sa hindi hihigit sa labindalawang buwan ng subscription ng Kasosyo sa bawat pagkakataon. Para sa isang subscription ng Kasosyo na sumasaklaw sa maraming taon, magsisimula ang bawat taon ng subscription sa petsa ng pagsisimula ng subscription o sa anibersaryo ng petsang iyon. Maaaring isumite ang mga singil para sa bawat susunod na taon ng subscription nang hindi mas maaga sa pagsisimula ng taong iyon, kahit pa paunang binayaran na ng Customer ang mga singil na iyon. Dapat isumite o muling isumite ng Kasosyo ang naaangkop na invoice na tumutukoy sa mga singil para sa taong iyon ng subscription. Nananatiling napapailalim ang bawat pagsusumite sa naaangkop na Panahon ng Pananagutan, sa hindi nagamit na Allowance sa Marketplace at natitirang Halaga ng Pananagutan. Hindi maaaring ibilang nang higit sa isang beses ang parehong mga singil. Maaaring ilapat ang mga kwalipikadong singil na sumasaklaw sa hanggang 12 buwan ng subscription ng Kasosyo kahit lumampas ang panahon ng subscription na iyon sa naaangkop na Panahon ng Pananagutan, kung matatanggap ng OpenAI ang invoice sa Panahon ng Pananagutan na iyon.
Allowance sa Marketplace. Maliban kung iba ang napagkasunduan ng OpenAI, ang “Allowance sa Marketplace” ng Customer ay katumbas ng 25% ng Halaga ng Pananagutan nito para sa naaangkop na Panahon ng Pananagutan. Nalalapat ang allowance na ito sa lahat ng Kasosyo nang sama-sama, at ibinibilang dito ang mga halagang nailapat na. Hindi lumilikha ng bagong allowance ang mga susunod na invoice. Para sa OpenAI Order Form na sumasaklaw sa maraming taon, may hiwalay na Allowance sa Marketplace na nalalapat sa bawat Panahon ng Pananagutan. Ang anumang hindi nagamit na allowance ay mawawalan ng bisa sa pagtatapos ng Panahon ng Pananagutan na iyon at hindi maaaring ilipat sa ibang Halaga ng Pananagutan o account.
Paano Inilalapat ng OpenAI ang Gastusin. Ilalapat ng OpenAI ang mga kwalipikadong halagang nakasaad sa mga invoice ng Kasosyo sa Halaga ng Pananagutan ng Customer, sa katumbas na halaga, ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagtanggap ng OpenAI sa mga invoice, alinsunod sa beripikasyon. Ang bawat paglalapat ay limitado sa hindi nagamit na Allowance sa Marketplace at sa natitirang Halaga ng Pananagutan, matapos isaalang-alang ang mga singil para sa serbisyo ng OpenAI na nailapat na at gastusin ng Kasosyo. Ang paglalapat bago magbayad ang Customer sa Kasosyo ay nananatiling napapailalim sa mga pagsasaayos alinsunod sa mga tuntuning ito. Binabawasan ng mga halagang nailapat ang bahaging natitira pang kailangang tuparin sa Halaga ng Pananagutan ng Customer. Hindi pambayad ang mga ito sa mga invoice ng Kasosyo, hindi lumilikha ng mga credit para sa paggamit ng OpenAI, hindi nagpapababa ng mga singil sa serbisyo ng OpenAI o nagbibigay-karapatan sa Customer sa cash o refund. Mananatiling hindi nagbabago ang mga balanse ng paunang bayad at credit sa OpenAI, maliban kung iba ang itinatakda ng OpenAI Order Form. Nananatiling may pananagutan ang Customer para sa mga singil sa serbisyo ng OpenAI at anumang natitirang kakulangan sa pananagutan. Dapat matanggap ng OpenAI ang invoice sa loob ng naaangkop na Panahon ng Pananagutan o pagkatapos ng petsa ng paglahok ng Customer, maliban kung iba ang inaprubahan ng OpenAI nang nakasulat.
Maramihang Pananagutan sa Gastusin. Kung may mga Kwalipikadong Halaga ng Pananagutan ang Customer sa ilalim ng higit sa isang OpenAI Order Form, tutukuyin ng OpenAI kung sa aling pananagutan ilalapat ang halagang nakasaad sa invoice, alinsunod sa naaangkop na Allowance sa Marketplace at Panahon ng Pananagutan. Maaaring humiling ang Customer ng ibang alokasyon, na napapailalim sa pag-apruba ng OpenAI. Hindi maaaring ibilang nang higit sa isang beses ang parehong halaga.
Pag-uulat at Beripikasyon. Iuulat ng Kasosyo sa OpenAI ang mga kwalipikadong transaksyon at pagbabayad. Pinahihintulutan ng Customer ang OpenAI at ang Kasosyo na magpalitan ng impormasyon na makatuwirang kinakailangan upang beripikahin at ilapat ang Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo, kabilang ang mga pantukoy ng account, mga invoice, impormasyon sa pagbabayad at mga petsa ng serbisyo. Magbibigay ang Customer ng makatuwirang pansuportang impormasyon kapag hiniling. Sa kabila ng mga probisyon sa pagiging kumpidensiyal ng Kasunduan sa OpenAI, pinahihintulutan ng Customer ang OpenAI na isilawat ang pag-iral ng kasunduang iyon at ang pagiging kwalipikado ng Customer para sa Programa ng Marketplace sa isang Kasosyo na pinaplanong bilhan ng Customer. Responsibilidad ng Customer na makipag-ugnayan sa Kasosyo upang matiyak ang napapanahong pagsusumite ng mga invoice at pansuportang impormasyong kinakailangan para sa paglalapat ng Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo.
Mga Pagtutol at Pagsasaayos. Direktang lulutasin ng Customer sa Kasosyo ang mga pagtutol sa mga singil ng Kasosyo. Maaaring ipagpaliban o isaayos ng OpenAI ang paglalapat ng mga halagang tinututulan; maaaring hiwalay na maging kwalipikado ang mga halagang hindi tinututulan. Maaari ding itama ng OpenAI ang mga halagang inilapat dahil sa hindi pagbabayad sa takdang panahon, mga refund, credit, pagkansela, dobleng pag-uulat o iba pang pagkakamali at aabisuhan nito ang Customer tungkol sa pagsasaayos. Nananatiling may pananagutan ang Customer sa ilalim ng Kasunduan ng OpenAI para sa anumang magreresultang kakulangan sa pagtupad sa panangutan, kabilang ang pagkatapos ng Panahon ng Pananagutan. Sa kalaunan, kung babayaran ng Customer ang halagang binawi dahil sa hindi pagbabayad, maaaring muling ilapat ng OpenAI ang kwalipikadong halaga sa orihinal na Panahon ng Pananagutan, alinsunod sa beripikasyon at sa naaangkop na Allowance sa Marketplace.
Mga Pagbabago sa Pagiging Kwalipikado. Aabisuhan ng OpenAI ang Customer kung hindi na kwalipikado ang Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo para sa mga bagong pagbili o pag-renew sa ilalim ng Programa ng Marketplace. Mananatiling kwalipikado ang mga pagbiling inaprubahan bago ang abisong iyon hanggang sa katapusan ng kasalukuyang hindi makakanselang termino ng subscription o sa katapusan ng naaangkop na Panahon ng Pananagutan, alinman ang mauna, alinsunod sa Allowance sa Marketplace. Hindi babawiin ng OpenAI ang mga halagang wastong nailapat bago ang abiso dahil lamang hindi na magiging kwalipikado ang Kasosyo o ang Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo sa Kalaunan.
Mga Pagbabago sa Pagsingil. Kung magsimulang maningil ang OpenAI para sa Mga Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo sa pamamagitan ng Marketplace, patuloy na direktang sisingilin ng naaangkop na Kasosyo ang Customer para sa mga dati na nitong pagbili, maliban kung magkasundo ang Customer, Kasosyo, at OpenAI sa ibang paraan. Anumang paglipat ay sasailalim sa pagtanggap ng Customer sa naaangkop na mga tuntunin sa pagsingil at sa napagkasunduang petsa ng pagiging epektibo. Hindi sisingilin nang dalawang beses ang Customer para sa iisang pagbili, at hindi bibilangin nang higit sa isang beses ang parehong Kwalipikadong Gastusin ng Kasosyo bilang bahagi ng Halaga ng Pananagutan. Ang mga bayad na ginawa sa OpenAI bilang awtorisadong agent ng Kasosyo para sa pagkolekta ng bayad alinsunod sa naaangkop na mga tuntunin sa pagsingil ay ituturing na mga bayad sa Kasosyo para sa mga layunin ng mga tuntuning ito.
Mga Produkto ng Kasosyo. Ang paglilista ng Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo sa Marketplace o ang pag-apruba ng pagbili para sa paglahok sa Programa ng Marketplace ay hindi nangangahulugan ng pag-e-endorso, pagbibigay ng garantiya o pagrerekomenda ng OpenAI sa Kasosyo o sa produkto nito. Ang pagbili at paggamit ng Customer ng Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo ay pinamamahalaan lamang ng kasunduan ng Customer sa naaangkop na Kasosyo. Ang OpenAI ay hindi partido sa kasunduang iyon, at ang Kasosyo lamang ang may pananagutan sa pagbibigay, pagsuporta at pagpapanatili ng produkto nito. Sa pinakamalawak na saklaw na pinahihintulutan ng batas, walang ibinibigay na garantiya ang OpenAI hinggil sa Mga Kwalipikadong Produkto ng Kasosyo at hindi nito inaako ang pananagutang nagmumula sa pagbili o paggamit ng Customer sa mga produktong iyon o sa mga pagkilos o hindi pagkilos ng Kasosyo. Hindi nililimitahan ng probisyong ito ang mga tahasang obligasyon ng OpenAI sa ilalim ng mga tuntuning ito o ng Kasunduan ng OpenAI.
Kaugnayan sa Kasunduan ng OpenAI. Ang mga tuntuning ito ay namamahala lamang sa paglahok ng Customer sa Programa ng Marketplace. Patuloy na pinamamahalaan ng Kasunduan ng OpenAI ang paggamit at pag-access ng Customer sa mga Serbisyo ng OpenAI. Kung sumasalungat ang mga tuntuning ito sa isang partikular na probisyon ng OpenAI Order Form, mananaig ang probisyong iyon ng OpenAI Order Form. Nangangailangan ng pagsang-ayon ng Customer ang mga pagbabago sa allowance o pagkalkula ng gastusin sa isang aprubadong pagbili.